Subalit sa kaso ng ABS-CBN crew at ni Ivan Padilla, mas inuna ang agarang pagkuha ng eksklusibong panayam kaysa paglapat ng karampatang lunas.
Ito ngayon ang gusot na kinasasangkutan ng crew ng abs-cbn news and current affairs.
Kahapon ay nadakip at nakaputukan ng pulisya si Ivan Padilla,isang sinususpetsang carnapper.
Makikita sa video na ipinalabas ng abs-cbn na duguan si Ivan Padilla habang nakaupo sa likod ng police van na kumuha sa kanya. Sa kabila ng kalunus-lunos na kalagayan ni Ivan ay nakuha pa siyang tanungin ng ilang walang kakwenta-kwentang mga tanong ng abs-cbn crew katulad ng kung siya si Ivan Padilla o kung Ivan ang kanyang pangalan. Kitang-kita sa video na hindi na nakakapagsalita si Ivan. Sa katunayan, Ivan na lamang ang huling salita namutawi sa kanyang labi. Hindi kailangang magkaroon ng lisensya bilang doktor para malaman mong kailangan na ng taong ito ang agarang atensyon at lunas.
Tumagal ng halos isang minuto ang pagkahimpil ng sasakyan ng pulisya sapagkat bago pa man nakausap ng mga taga abscbn si Ivan ay may kinuhanan na silang isa pang suspek. Paliwanag ng crew ay wala raw silang alam na si Ivan ay nasa loob ng sasakyan. Sa video ay makikita ring may pulis na nagsabi sa crew na si Ivan ay nasa likod ng sasakyan.
Katanggap-tanggap naman ang paghuhugas kamay ng ABS-CBN na wala silang kinalaman sa huling kinahantungan ni Ivan Padilla.
Subalit malinaw na ang kanilang pagkuha ng video at pagtatanong sa mga pulis at mga nahuling suspek ay naging balakid sa operasyon ng pulisya.
Maaari mang sabihin ng ABS-CBN crew na hindi nila alam na sila ay nagiging sagabal sa isang operasyon, malinaw na malinaw na nung nakita na nila si Ivan sa likod ng van na nakahandusay sa upuan at duguan, hindi na dapat pa silang lumapit para kumuha ng video at magtanong nga mga tanong na kahit hindi nagtapos ng kolehiyo ay kayang tanungin.
Naaalala ko tuloy ang binanggit sa aming klase ng aking propesor sa Photojournalism. May nagtanong, "Sir, kapag nasa giyera ka paano po kapag may taong nasusunog sa harap mo, tapos kailangan mong kumuha ng larawan sapagkat maganda itong materyal para sa pahayagan, ano ang dapat mong gawin?" Sumagot si Propesor Gil Nartea at sinabi niya na Sige, mag-shoot ka ng isang kuha tapos tulungan mo na. Siyempre tao yung nasusunog. Hindi pwedeng ipagsawalang-bahala mo ang buhay ng tao para lang maisakatuparan ang iyong hangaring makapagbigay impormasyon.
Marahil nararapat balikan ng mga nasasangkot na crew ng ABS-CBN ang mga ganitong aral sa moralidad at pagka-makatao.
Nakakapanggigil sapagkat kahit pa may ginawang hindi maganda si Ivan, siya ay taong may mga karapatang katulad ng lahat sa atin. Nakakapanggigil sapagkat isang maliwanag na pagpapakita ng kawalan ng ethics at professionalism ang kanilang ginawa.
Bagaman hindi malinaw na maaakusahang ang ABS-CBN ay isa sa mga naging sanhi ng kamatayan ni Ivan - sapagkat namatay ito dahil ka pagkaubos ng hininga o asphyxia - malinaw na ang trabaho ng media para ipahayag ang impormasyon ay pumapangalawa lamang sa mga panahong buhay na ng tao ang nakataya - maging suspek man ito sa isang krimen o hindi.
Panawagan ito sa ABS-CBN at sa lahat ng mga bahagi ng media: Tao rin kayo. Isipin ninyo kung kayo ang nasa kalagayan ng isang naghihingalong tao at tinatong ka pa kung anong pangalan mo at kung ayos ka lang, malamang sa hindi ay maaasar ka at sa loob-loob mo, kung pwede mo silang mabatukan ay gagawin mo ito.
Maliwanagan sana ang lahat.
No comments:
Post a Comment