Nitong mga nakaraang araw ay nagkakaroon ako ng mga biglaang pagninilay-nilay na may kinalaman sa estado at lagay ngayon ng aking buhay.
Mahirap para sa aking gumawa ng mga desisyong maaapektuhan ang napakaraming tao sa aking buhay; lalo't higit akong nasisikil sapagkat ang mga sitwasyong kailangan kong gawan ng desisyon ay yaong mga sitwasyong damay ang mga pinakamahahalagang tao sa aking buhay.
Sa aking edad ngayon, marapat lamang bang magsimula na akong magdesisyon para sa aking sarili lamang o patuloy pa ring magdesisyon para sa ikabubuti at ikaliligaya ng mas maraming tao?
Madalas kasi ang mga desisyong pabor sa sarili ay hindi ayon sa kagustuhan ng nakararami. At ang desisyong pabor sa nakararami, minsan ay nagiging parang sapilitang desisyon na lamang.
Ano na nga ba ang aking dapat gawin?
Tulong.
[hmm, dapat pala filipino din ang wikang pantugon dito...]
ReplyDeletenatutunan ko sa isang tao na upang makagawa ka ng tamang desisyon, kailangan mong dalhin ang iyong sarili sa isang malayong panahon sa hinaharap kung saan puti na ang iyong mga buhok at ika'y uugod-ugod na. Dahil daw sa mga huling yugto ng buhay bumubungad sa tao ang lahat ng mga panghihinayang at realisasyon, at sa kasamaang palad, kadalasan ay dinadala niya sa hukay ang sama ng loob at ang kaniyang mga pangarap na hindi natupad--bunga ng mga desisyon na hindi niya ginawa. Sa panahon ng katandaan, ang karaniwang daing ng mga matatanda ay kung paanong "sana ginawa nila 'to" o "sana ginawa nila 'yan" kahit alam nila kung ano ang maaring naging kinahinatnan ng desisyon na iyon dahil nakikita na nila ang panhihinayang na dinulot ng hindi nila pagsunod sa kanilang tunay na gusto.
Kung kaya't sa inyong pagninilay, baka po makatulong kung iisipin niyo kung ang inyong desisyon ba ay magdudulot ng panhihinayang sa inyo sa hinaharap. Maaring may mga masaktan sa iyong gagawin, pero kung tunay ang kanilang pagmamahal at pagmamalasakit, mauunawaan nila ito sa tamang panahon. At kung nagkataon na mali pala ang inyong pinili, bukas pa rin sana ang kanilang mga puso upang tanggapin ang inyong pagkakamali dahil nga naman, tayo ay pawang tao lamang.
Ang ganda po ng mga sinusulat niyo~ :) Sana po nakatulong ang aking mga sinabi. :)